Tungkol sa Blog

Magandang araw sa'yo!

Maraming salamat sa pagbisita sa aking munting espasyo ng kalayaan. :)
Nais kong ipabatid na ang pangunahing dahilan kaya binuo ang blog na ito ay ang ang makatugon sa kahingian ng kursong Filipino 12 Sining ng Pakikipagtalastasan sa ilalim ng klase ni Dr. Edgar Calabia Samar. Ngunit dala na rin ng pagkakataong binibigay sa akin ng blog na ito, dito ko na rin malayang ihahayag ang aking mga kaisipan, saloobin, o opinyon tungkol sa kahit anong bagay sa ilalim ng araw. Rerespetuhin ko ang anumang magiging opinyon ng sinumang mambabasa ukol sa aking mga pahayag ngunit iyon ay kung kanila ring igagalang ang ang aking mga karapatan bilang isang blogger.

Iyun lamang po! Nawa'y sumainyo ang Panginoon saan man kayo naroroon. :D

Friday, January 18, 2013

Encantadia: Alaalang Nais Balikan

Avisala!

Ang APAT NA BRILYANTE:
Mga Simbolo ng Kapangyarihan sa
Encantadia
(Larawan mula sa lionheartv.net)
(Ito nga pala ang aking unang post! Pasensya na - wala naman talaga akong alam sa paggawa ng blog. Ngunit masaya akong nabigyan ako ng pagkakataon ng aking propesor sa Fil 12 na subukin ang ganitong gawain. Ngayon, hindi na lamang Facebook ang aking aatupagin sa tuwing haharap ako sa aking laptop. :D)

*balik sa pakay ng post na ito*

Pamilyar ba sa 'yo ang aking naging pagbati? Kung oo, marahil ay may ngiting nagsimulang mabuo sa iyong mga labi habang binabasa mo ito. Ewan ko lang ha....pero gan'yan kasi ang nararamdaman ko sa tuwing aking nakikita ang salitang iyan saanman sa Internet. Isa lang naman ang tiyak na totoo kung pamilyar sa 'yo ang katagang bungad ng post na ito: isa ka sa mga mapalad na henerasyong nakapanood at tumuklas sa mundo ng Encantadia!


Ang Apat na Bida
(Larawan mula sa mypinoy.tv)
Muli kong naalala ang telefantasyang ito noong sa aming klase ay pinasulat kami ni Dr. Samar ng isang sanaysay tungkol sa mga bagay na unang nagmulat sa aming nosyon ng kung ano ba ang maganda. Agad-agad kong naisip ang programang ito na talaga namang hinahanap-hanap ko pa rin magpahanggang sa kasalukuyan. Sa totoo lang ay hindi naman ito nawala sa aking isipan - patuloy akong naghahanap ng paraan upang muling masaksihan ang hatid nitong mahika at maihayag ang lubos kong paghanga rito. Kaya naman pinilit ko talagang ito ang maging paksa ng sanaysay ko. Ang problema nga lang ay lubos akong nabitin sa sanaysay na iyon. 100 hanggang 200 salita lamang kasi ang ibinigay na limitasyon sa amin at nahirapan pa akong ihayag ang mga ideya ko dahil sa "twist" o hamong idinagdag ng aming guro sa aming pagsulat (mahabang kwento).

Ngayon, sa una kong post sa blog na ito ay hindi ko pa rin napigilan ang sarili kong sumulat patungkol dito.

Bakit ba hindi mawala sa isip ko ang Encantadia?

Mga Tauhan sa Encantadia.
(Larawan mula sa tumblr post ni Elah)
Hindi ako maka-get-over!

 Iyan lang ata talaga ang mga salitang makahuhuli at eksaktong makapagsasabi sa nararamdaman ko para sa serye. Bakit nga ba nahuhumaling pa rin ako sa isang palabas na magpipitong taon nang hindi umeere sa telebisyon?

Simple lang ang sagot: hanggang ngayon kasi, wala pa ring telefantasyang nakapapantay sa epektong naging dulot ng mga Sang'gre sa akin. Maaaring biased lang din ako pero anomang ganda ng mga special effects ngayon, nagiging baduy pa rin ang mga makabagong telefantasya sa tuwing itinatabi na sa Encantadia. Mahalaga rin kasing isipin na hindi lang special effects ang makabuluhang elemento ng isang palabas. Importante rin na mayroon itong mga kagiliw-giliw na karakter, at mga magagandang temang mahusay na naipapakita.

Si AMIHAN - diwata ng HANGIN
(.gif mula sa tumblr post ni Jared)
Si PIRENA - diwata ng APOY
(.gif mula sa tumblr post ni Jared)
Ang Mga Bida. 

Sina Amihan, Pirena, Alena, at Danaya ay hindi ko pa rin malimutan! Hinahanap-hanap ko pa rin ang mga karakter nila sa mga panibagong female protagonists ng (talaga namang napakaraming) mga programa ngayon kung saan pawang mga babae ang bida. Yung angas ng kanilang asta,  yung pusong mayroon ang karakter nila...hindi ko na nakita pa muli sa kahit kaninong istorya. Gusto ko muling masilayan ang kanilang kakaibang personalidad: palaban kahit na nahihirapan, matapang kung titingnan ngunit nakararamdam pa rin naman. Ang mga babaeng ito ay hindi basta-basta. Sila ang nagpaikot sa mundo ng Encantadia at sa kaharian ng Lireo. Pinakita nilang maaari ring mamuno ang mga babae - maging sa mga digmaan. Sila ang bumago sa kung anomang maliit na pagtingin ko noon sa kababaihan.

Si DANAYA - diwata ng LUPA
(.gif mula sa tumblr post ni Jared)
Si ALENA - diwata ng TUBIG
(.gif mula sa tumblr post ni Jared)
Ang Mga Brilyante.

Ang programa ring ito ang nagpakilala sa akin sa apat na elementong madalas ikutan ng maraming kwento: hangin, lupa, apoy, at tubig sa anyo ng mga brilyante. Kapangyarihan ang bigay nito sa magkakapatid na prinsesa at kung paano nila ito gagamitin ang inaabangan ko gabi-gabi. Sa tuwing ginagamit ito ng mga karakter, talaga namang humahanga ako at naghahangad ring magkaroon ng brilyante. Encantadia ang nagsimula ng aking pagkahilig sa mga kwentong umiikot sa apat na elementong bumubuo sa ating daigdig. Kahit hindi ako mahilig sa anime, nagustuhan ko ang palabas na Avatar: The Last Airbender dahil lamang sa pagpapakita rito ng mga taong nakakokontrol ng mga elemento. Bagaman hindi na ako bata, hindi nawawala sa imahinasyon at pangarap ko ang magkaroon ng kapangyarihang kontrolin din ang mga ito upang magawa ang mga imposibleng bagay gaya ng paglipad.

Ang Salaysay. 

Ang Mag-iinang Sang'gre
(Larawan mula sa post ni Elah)

Siyempre, hindi mawawala sa magagandang bagay na handong ng Encantadia ang kwentong may saysay at puso. Bawat karakter dito ay may mga pinagdadaanang maaaring kaawaan o kainisan ng mga manonood. Hindi gaya ng mga karaniwang kontrabida ngayon, na pinanganak na at nakatadhana na lamang na nagiging masama, ay may pinaghuhugutan ang mga antagonista: sila ay tao rin na nakararamdam - may kaluluwa at isip - at mayroon silang sariling istoryang nagpapaliwanag sa kanilang mga aksyon. Ang interaksyon ng bawat isa ay makatotohanan lamang sa kabila ng paninirahan nila sa isang mundong puno ng kahiwagaan. Ito ang tipo ng kwentong talagang susubaybayan mo! Bagaman katulad ng halos lahat ng palabas ay pag-ibig din ang sentral nitong tema, hindi ito kinukulong ang konsepto ng pagmamahal sa romantikong aspekto lamang. Nariyan ang pag-ibig ng apat na magkakapatid na Sang'gre para sa isa't isa. Kung hindi dahil dito ay matagal na sigurong nawasak ang Encantadia. Nangibabaw rin ang pagmamahal ng mga ina para sa kanilang mga anak: si Pirena sa kanyang anak na si Mira, at si Amihan sa anak niyang si Lira. Talaga namang kapupulutan ng aral ang kwento ng mga tauhan nito at ginawa nitong makulay at madamdamin ang mga gabi ng bawat Encantadik.

Ang mga SANG'GRE
(Larawan mula sa tumblr post ni Seinaka)
Seinaka, Jin. Mga Sangre. 2013. tumblrWeb. 22 Feb 2013. <http://seinaka.tumblr.com/post/39470404476/mga-sangre>.
Sa tanang buhay ko, hindi na yata ako magmamahal ng isang serye na gaya ng naging pag-ibig ko sa Encantadia. Kung tinagurian ito noong "grandest and most ambitious production for Philippine television", walang dudang ito rin ang naging pinakamatagumpay na serye sa pagbibigay-kasiyahan sa mga manonood. Ang lahat ng bumubuo rito ay nararapat na magdiwang dahil hindi nasayang ang dugo, pawis, at panahong ginugol at inalay nila rito. Sa akin naman, ginawa nitong makulay at espesyal ang aking kabataan. Pinakilala ako nito sa mga nilalang na kahanga-hanga. Dinala ako nito sa isang mundong sa pangarap ko lang mararanasan...isang mundong sa pangarap ko na lang din madadalaw at mababalikan.


<< "The Greates Magic is the Power of Love." >>

------------------------------------------------------------------------------------------------------------

~ Ang mga larawan at gif na ginamit ay mula sa mga sumusunod:

http://lionheartv.net/2012/01/who-will-be-next-sanggres-for.html para sa "Ang APAT NA BRIYLANTE: Mga Simbolo ng Kapangyarihan sa Encantadia"

http://mypinoy.tv/tv-unlimited/pinoy-serye/encantadia-avisala/ para sa "Ang Apat na Bida"

http://superelahstic.tumblr.com/post/26395196301/encantadia-if-youre-one-of-those-kids-who-loved para sa "Mga Tauhan sa Encantadia" at "Ang Mag-iinang Sang'gre"

http://whatsupjared.tumblr.com/post/31799433647 para sa "Si PIRENA - Diwata ng APOY", "Si AMIHAN - Diwata ng Hangin", "Si ALENA - Diwata ng TUBIG", at "Si DANAYA - Diwata ng LUPA"

http://seinaka.tumblr.com/post/39470404476/mga-sangre para sa "Ang mga SANG'GRE"

1 comment:

  1. Naibigan ko ang pagmumuni sa blog entry na ito, subalit may ilan pang di pagsunod sa ating "Checklist" sa http://nobelangatisan.blogspot.com/2012/06/checklist-bago-ipasa-ang-blog-entry.html. Ibig ko rin sanang bigyan mo ng credit ang pinagmulan ng mga larawan. Binibigyan kita ng pagkakataong rebisahin ang blog entry na ito sang-ayon sa ating "Checklist." Kapag maayos na ang lahat, saka muling ipasa sa akin. Salamat!

    ReplyDelete